Tila humabol sa “love month” ang long-time couple at kapwa filmmakers na sina Antoinette Jadaone at Dan Villegas sa desisyong pasukin na ang married life.

Sa Instagram post ng Cornerstone na siyang may hawak sa showbiz career ni Antoinette, bakas ang saya ni Antoinette habang ipinapakita ang daliri na suot ang engagement ring.

Kuha ang litrato sa Vatican City kung saan nag-propose si Dan sa ngayo’y kanyang fiancee.

Kilala ang wife to be ng (That Thing Called Tadhana) at groom to be (Exes Baggage) sa paggawa ng romantic-comedy at romantic-drama films na tadtad ng “hugot lines.”

Madalas silang mag-collaborate sa kanilang mga pelikula tulad ng Metro Manila Film Festival entries na “English Only, Please” noong 2014, at “Walang Forever” noong 2015 kung saan si Dan ang direktor at ang screenplay ay isinulat ni Antoinette.

Bago nagsimula ang love story, una silang nagkakilala sa gala night ng “Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay” noong 2011.