Reading Time: 2 minutes
Sheena ex sexbomb

Inalmahan at labis na ikinagulat daw ni Sheena Flores de Castro, dating miyembro ng SexBomb Girls, ang paglabas ng mga ulat na siya ay naaresto sa isang buy bust operation sa San Pablo City, Laguna, nitong Martes, July 16.

Ayon kay Castro, sa Amerika na siya naninirahan kaya plano nitong manghingi ng legal advice hinggil sa pagkakaladkad ng kanyang pagkatao sa iligal na droga.

“I currently reside in the United States, not in Laguna. I do plan on seeking legal advice regarding this matter,” saad nito sa gmanews online.

Una rito, kinilala ni Laguna Police Provincial Director P/Col. Eleazar Pepito Matta ang nahuling dating miyembro ng dance group na si Sheena Joana Roño Uypico, 34-anyos; at ang mga kasamahan nito na sina Melrose Roño Uypico, 32; at Elmer Panaligan Señoreses, 40, pawang mga walang trabaho

Sinabi ni Matta, ang tatlo ay kabilang sa drug watch list ng Directorate for Intelligence.

Narekober na ebidensya mula sa mga suspek ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P40,000; P1,000 marked money na ginamit sa buy bust; cellphone; isang kulay asul na Toyota Corolla; at P4,000 pinaghihinalaang pinagbentahan ng shabu.

Ang mga suspek at ebidensya ay dinala sa Provincial Crime Laboratory Office sa Camp Paciano Rizal, Santa Cruz, Laguna, para sumailalim sa drug test, habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Samantala, ang dating SexBomb na si Sheena ay isa na raw flight attendant.

Base rin sa kanyang Instagram posts, pamilyado na si Sheena na naging miyembro ng SexBomb Girls mula 2008 hanggang 2011.