BACOLOD CITY – Patay ang dating commander ng Philippine National Police (PNP) Maritime Command sa Negros Occidental at ngayo’y negosyante makaraang binaril ng riding-in-tandem suspects dakong alas-8:00 kaninang umaga.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Bacolod, ang biktimang si Jose Lindy Chan ng Barangay 5, Silay City, ay nakikipagkwentuhan sa kanyang kaibigan sa Bonifacio Extension, Barangay 4, nang dinaanan ng mga suspek na sakay sa motorsiklo at pinagbabaril ng ilang beses.

Nagtamo si Chan ng apat na sugat- isa sa kanyang kili-kili at tatlo sa likod na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Katatapos lang umano ng parada sa lungsod kaugnay sa Independence Day nang mangyari ang krimen.

Kaagad na tumakas ang mga suspek ngunit narekober ng mga pulis ang bonnet, jacket at isang helmet, sa isang subdivision malapit sa crime scene.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Silay City Police Station kaugnay sa krimen.

Si Chan ay naging negosyante at contractor makaraang magretiro bilang pinuno ng Maritime Command sa Negros Occidental.