ANDRE EMMET 1

Napatay sa nangyaring pamamaril ang dating Philippine Basketball Association (PBA) import na si Andre Emmett malapit sa kanyang tahanan sa Dallas doon sa Amerika.

Ang 37-anyos na si Emmet ay dating import ng Meralco Bolts at naglaro ito sa Pilipinas noong 2015 PBA Commissioner’s Cup.

Ayon sa pulisya, nakaupo umano sa kanyang sasakyan si Andre sa labas ng bahay ng alas-2:30 ng madaling araw nang bigla na lamang may dalawang suspek na lumapit na may bitbit na baril.

Sumunod umano ang sagutan hanggang sa tumakbo ang biktima kasabay nang pagbaril sa kanya.

Naisugod pa si Andre sa ospital at doon na ito binawian ng buhay.

Marami naman ang nanghinayang sa pagkawala ni Andre dahil magaling itong basketball player noong naglalaro pa sa Texas Tech University.

Sa katunayan kinilala pa ito bilang best player sa program history ng unibersidad at noong nakaraang taon lamang ay na-induct ito sa Texas Tech Hall of Fame.

Bago napunta sa Pilipinas ang 6’5″ Emmet ay tumagal din ng dalawang season na naglaro siya sa mga NBA teams na Memphis Grizzlies at New Jersey Nets, gayundin sa CBA sa China, FLB League sa Lebanon, Belgian championship, NBA D-League All-Star Game at iba pa.