Reading Time: 1 minute

Pinatatawag na ng Commission on Elections (Comelec) si dating National Youth Commission (NYC) Chair Ronald Cardema at pinahaharap na ito sa en banc session sa Miyerkules dakong alas-2:00 ng hapon.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na ito ay kaugnay sa inihaing notice of withdrawal ni Cardema noong September 13 kaya layunin ngayon ng Comelec na pagpaliwanagin si Cardema.

Magugunitang iniatras na ni Cardema ang kanyang nominasyon bilang first nominee ng Duterte Youth Partylist dahil sa pagiging over age nito para katawanin ang grupo ng mga kabataan.

Magugunitang inakusahan ni Cardema si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na nanghingi milyong halaga ng pera para makapagrehistro ang nasabing partylist at maging representante si Cardema sa nasabing youth sector.

Pero mariin naman itong itinanggi ni Guanzon.