LAOAG CITY – Pormal nang naisampa na sa piskalya ang reklamong grave threat laban sa dating alkade na si Chevylle Fariñas at si ABC President Mikee Fariñas sa Laoag City.

Ito ay dahil sa hindi umano magandang pagtrato nila sa mga kasambahay nila na taga-Cagayan.

Una nang nagreklamo ang dalawang kasambahay laban sa mag-inang Fariñas dahil sa hindi pagbigay ng kanilang sahod nang ilang buwan.

Naipangakao umano sa kanila na masasahuran sila ng P5,000 kada buwan nang magsimula silang magsilbi sa bahay ng mag-inang Fariñas.

Pero Disyembre 25, 2019, ala-1:00 ng madaling araw ay nagdesisyon ang mga kasambahay na umalis sa bahay ng dating opisyal.

Ngunit hinanap sila ng mag-ina at nahabol sa bypass road na sakop ng Barangay Vira at dito sila hinila umano ni ABC President Fariñas at pinabalik sa kanilang bahay.

Maliban dito, sinampal pa raw ng dating alkalde at tinutukan ng kutsulyo ang mga biktima habang ang nakabatang Fariñas ay itinutok raw ang isang baril sa mga ito.

Nabatid na ang mga babaeng kasambahay ay 25-anyos na residente sa Barangay Amonitan, Gonzaga, Cagayan; habang ang 18-anyos ay residente ng San Vicente, Sta. Ana, Cagayan.

Samantala, wala pang komento ang mag-inang Fariñas sa reklamo laban sa kanila.