Inirekomenda ng Commission on Audit (COA) ang pagsasampa ng kaso kina dating Department of Tourism (DOT) Sec. Wanda Teo at Tourism Promotions Board (TPB) head Cesar Montano kaugnay ng umano’y mga maanomalyang transaksyon noong 2018.

Lumabas sa annual audit report ng COA na may mga nilabag na panuntunan ang DOT sa paggawad ng mga kontrata ng ilang proyekto.

Batay sa ulat, walang supporting documents ang mahigit P80 milyong kontrata ng TPB sa napiling contractor na Marylindbert International Inc., para sa promotion ng kanilang “Buhay Carinderya” program.

Ayon sa COA, malinaw na paglabag sa nilalaman ng Government Procurement Reform Act ang ginawa ng naturang mga opisyal.

Dahil dito, inatasan ng state auditors ang kasalukuyang pamunuan ng TPB na tukuyin kung sino ang mga opisyal na papanagutin sa mga kaso.

Kung maaalala, nagbitiw sa puwesto noon si Montano matapos pumutok ang isyu.

Kasunod nito ay nag-resign din si Teo matapos namang madawit sa kontrobersyal na TV advertisement deal ng kanyang mga kapatid na sina Ben at Erwin Tulfo.

“The TPB finance department was constrained to process disbursements despite the nonsubmission of the necessary documents for the release of funds; upon the directives of the former COO and former secretary of the DOT.”