Inamin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isa sa mga kasama niyang resource person sa pagdinig ng Senado ang dating tumatanggap ng drug money sa New Bilibid Prisons (NBP).

Matatandaang si Magalong ay dating pinuno ng PNP-CIDG noong Aquino administration at kasama sa mga nagplano ng raid sa national penitentiary.

Partikular na tinukoy ng alkalde si dating BuCor OIC Rafael Ragos, na kalaunan ay naging testigo laban kay Sen. Leila de Lima, na dating pinuno ng Department of Justice (DoJ).

Pero inamin ni Magalong na base lang ito sa natanggap niyang report noon bilang hepe ng CIDG.

Sa halip na pasagutin pa si Ragos, sinabi ni Sen. Richard Gordon na dati na itong inamin ng dating NBI official kaya umusad na sila sa ibang paksa ng pagdinig.