ROXAS CITY – Arestado ang isang dating sundalo matapos nagpaputok ng kaniyang baril sa Barangay Agloloway, Jamindan, Capiz.

Kinilala ang naaresto na si Albert Nicolas, 31, residente ng naturang lugar.

Nabatid na tumawag ang isang concerned citizen sa tanggapan ng Jamindan Municipal Police Station at ipinaabot na nagpapaputok ng baril ang naturang suspek.

Dahil dito, nagsagawa ng checkpoint ang mga kapulisan kung saan nahuli ang suspek sa Barangay Esperanza.

Nakuha sa posisyon ni Nicolas ang .45 caliber na baril, dalawang magazine na may 14 na mga bala.

Depensa naman ng lasing na suspek, wala itong masamang layunin sa pagpapaputok dahil nagsasagawa lamang umano siya ng test fire sa kaniyang baril.