Aminado ang White House na walang sapat na coronavirus test kits ang Estados Unidos kasabay ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Vice President Mike Pence, mukhang imposible umano na maging matagumpay ang layunin ng Trump administration na ipadala ang halos isang milyong testing kits ngayong linggo para sa mga lugar na apektado ng sakit.

Kaagad namang inaprubahan ng US Congress ang emergency aid package para labanan ang outbreak.

Umabot na sa 20 ang nadagdag na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Washington na ngayon ay may kabuuang total na 70 kaso.

Siyam sa mga namatay ay pinaniniwalaang nanggaling sa iisang nursing home sa Seattle. Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad sa naturang nursing home para malaman kung sumunod ito sa ipinatutupad na infection-prevention guidelines.

Pumalo na sa halos 92,000 ang kaso ng coronavirus sa buong mundo kung saan 80,000 rito ay nagmula sa China at nasa 3,000 na ang namamatay.