Nagpaliwanag na umano kay Sen. Panfilo Lacson si P/Lt. Col. Jovie Espenido, kaugnay ng kinakaharap nitong isyu, kung saan napasama ang pangalan nito sa narco-list.

Ayon kay Lacson, nagpadala sa kaniya si Espenido ng kopya ng report mula sa adjudication board na nagsasabing cleared na ito at excluded na sa listahan.

Gayunman, lumalabas na may lumang basehan na nagamit ang PNP para tukuyin ang mga pulis na iniuugnay sa isyu ng iligal na droga, kaya napabilang ang kontrobersyal na police officer.

Naniniwala naman ang senador na kung may bagong batayan ang pagkakalagay ni Espenido sa narco-list, nararapat lamang itong pagpaliwanagin.

Dapat pa nga aniyang panagutin ito kung talagang mapapatunayan ang mga alegasyon, sa pamamagitan ng sapat na ebidensya.

“Kung naglabas sila ng narco-list at ito compilation ng mga report na nakalap nila simula noong 2016 … dapat i-correct nila kaagad by referring to their own records. Pero kung bagong report ito sa kanyang pagkatalaga sa Bacolod, ibang usapin yan. Meron dapat ipaliwanag si Espenido. Pero sa kanyang sariling paliwanag sa akin yan ang naging basehan ng kanyang pagkasama sa narco list, ang 2016 pa, ang luma. Yan ang pagkasabi niya sa akin. And he should know kasi pinatawag siya sa Crame,” wika ni Lacson.