Nakatanggap ng mga babala ang eroplanong sinasakyan ni presidential aspirant at Senator Panfilo Lacson mula sa Chinesse Navy sa kanilang biyahe papuntang Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan.
Nabatid na nasa Puerto Princesa City sa Palawan si Lacson para makipagkita sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WesCom) kasunod na rin ng tensyon kamakailan sa China sa West Philippine Sea.
Sa statement ng Partido Reporma, ang partido ng senador sa kanyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 polls, nakasaad na niradyohan ng Chinese Navy ang eroplanong sinasakyan ni Lacson.
Sinabihan aniya sila ng mga ito na sila ay papasok sa military zone ng China kaya naman kailangan nilang umalis kaagad doon.
Ang pagdaan daw doon ng eroplanong sinasakyan nila Lacson ay maituturing na “unfriendly and dangreous.”
Ayon kay Partido Reporma spokesperson Ashley Acedillo, na nasa eroplano rin noong mga panahon na iyon, kaagad na sinagot ng mga piloto sa kalmadong pamamaraan ang babala ng Chinese Navy para mapahupa ang tensyon.
“Meron naman pong standard na reply at bago tayo lumipad doon nagkaroon po ng koordinasyon ang mga pribadong piloto natin sa mga awtoridad natin sa AFP (Armed Forces of the Philippines), ani Acedillo.
Samantala, sinabi ni Lacson na nakatanggap siya ng notification sa kanyang cellphone na nagsasabing “Welcome to China” nang lumapag sila sa Pag-asa Island.