Tiniyak ni Cabinet Sec. Karlo Alexi Nograles na minimal lamang ang epekto ng Coronavirus Disease (COVID)-19 sa Overseas Filipino Workers (OFW) remittances.

Sa “Laging Handa” press briefing sa MalacaƱang, sinabi ni Sec. Nograles na sa tantya ng economic managers ng Duterte administration ay bahagya lamang ang epekto nito dahil tanging 0.1% ng OFW remittances ang mula sa China.

Ang iba naman nitong administrative regions tulad ng Macau at Hong Kong ay 0.4% at 2.7% lamang mula sa kabuuang OFW remittances.

Ayon kay Sec. Nograles, nakapagtala rin ng record-high na $33.5 billion OFW remittances noong 2019.

Ngayong taon inaasahan aniya ang $34.5 billion increase sa remittances o katumbas ng 3% growth rate, pero dahil sa COVID-19 ay ibinaba nila ang growth projections sa 2.2% o $34.2 billion na remittances ngayong 2020 na maituturing pa ring record-high.

-- Advertisement --

Kasunod nito, inihayag ni Sec. Nograles na mapupunan ng remittances mula sa ibang bansa tulad ng United States, United Arab Emirates, at Saudi Arabia, ang posibleng pagbagal ng remittances na magmumula China, Macau at Hong Kong.