Nanawagan ang environmental group na BAN Toxics ng masusing pag-aaral at mas malawak na konsultasyon kaugnay ng planong Pax Silica Project sa Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni BAN Toxics Advocacy and Campaign Officer Thony Dizon na sa ilang pag-aaral, may mga data center projects na hindi naituloy dahil sa mga isyu sa suplay ng tubig, malaking konsumo sa kuryente, at iba pang environmental concerns.
Ayon kay Dizon, mahalagang matiyak kung dumaan ang proyekto sa tamang konsultasyon, lalo na’t malaking lawak ng lupa ang inaasahang gagamitin at maaaring makaapekto sa ilang komunidad.
Bagama’t kinikilala ang posibilidad na makalikha ito ng trabaho, sinabi niyang dapat ding malinaw na maipaliwanag ang posibleng epekto nito sa kalusugan, kalikasan, at sa mga residenteng maaapektuhan.
Dagdag pa niya, hindi lamang data centers ang saklaw ng proyekto kundi maging ang semiconductor manufacturing, kaya kinakailangan ang siyentipikong pag-aaral at konkretong mga hakbang upang maprotektahan ang mamamayan at ang kapaligiran.
Binigyang-diin pa ng grupo ang panawagan para sa mas transparent at mas bukas na pampublikong diskurso bago isulong ang proyekto.
















