GENERAL SANTOS CITY – Nagkalasog-lasog ang katawan ng isang inhinyero matapos naputukan ng vintage bomb na sinasabing kanyang nilagare.

Kinilala ni Lt. Col Marvin Dua-dua, hepe ng Polomolok Municipal Police Station, ang biktima na si Engr. Vincent Claus Degula, 40-anyos na residente ng Cebu City at nangungupahan sa Purok Hechanova, Barangay Poblacion sa Polomolok, South Cotabato.

Kahapon nang pumunta umano ang biktima sa nagngangalang Joseph Namion sa Sitio Lamcuah, Barangay Maligo nitong munisipyo, kasama sina Winnie Fundar at Pastor Moises Villar at naghahanap ng lugar na kanyang bibilhin.

Matapos makipag-usap ay may kinuha raw na bakal sa kanyang sasakyan ang biktima at nilagari gamit ang grinder kasunod ng pag-alingawngaw na malakas na pagsabog.

Ayon kay Dua-dua, nawasak ang atip ng bahay at nagkaroon ng pormang hukay habang ang dalawang kasama ng biktima ay tumilapon sa lakas ng pagsabog at nagtamo ng mga pasa sa katawan.

-- Advertisement --

Nangyari ang pagsabog pasado alas-9:00 ng umaga at nirespondihan naman agad ng pulisya kasama ng Scene of the Crime Operatives.

Sa ngayon ay tinutukoy pa ng mga otoridad ang klase ng vintage bomb pati na ang pinagkukunan nito.