Nag-isyu ang Department of Migrant (DMW) at attached agency nito na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng listahan ng emergency hotlines na maaaring matawagan ng mga Pilipinong naiipit sa lumalalang sigalot sa Middle east partikular na sa nagpapatuloy na palitan ng missile at airstrikes sa pagitan ng Israel at Iran.
Narito ang hotline ng Embahada at migrant offices sa Israel:
Maaaring tawagan ang Embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv sa numerong +972 54 466 1188 at sa Migrant Workers Office (MWO), maaaring tumawag sa +972 50 762 2590, habang sa Overseas Welfare Offices (OWO) ay maaaring tumawag sa +972 50 715 6937.
Sa Lebanon naman, maaaring tawagan ang Embahada sa Beirut sa numerong +961 70 858 086 at sa MWO naman ay +961 79 110 729.
Sa Jordan naman, maaaring tawagan ang Embahada sa Amman sa numerong +962 7 7907 7775 /+962 7 7721 9000 habang sa MWO ay maaaring i-kontak ang +962 7 8149 1183 / +962 7 8519 1891
Samantala, tiniyak ng ahensiya na nakahanda silang tulungan ang mga Pilipinong maapektuhan ng labanan.
Muling hinimok din ng ahensiya ang mga Pilipino sa nasabing mga bansa na manatiling alerto, ligtas at kung maaari ay manatili sa loob ng bahay kung mapanganib sa kanilang lugar at manatiling konektado sa tanggapan ng DMW para sa agarang updates.
Hinihimok din ang mga Pilipino na iwasang magbahagi ng hindi kumpirmadong impormasyon para maiwasan ang kalituhan.
Matatandaan, noong June 13 muling sumiklab ang sigalot sa pagitan ng Israel at Iran matapos tamaan ng airstrikes ng Israel ang nuclear at military facilities ng Iran na kumitil sa ilang matataas na lider ng Islamic Republic.
Nagpagalit naman ito sa Iran at gumanti sa pamamagitan ng pagpapakawala ng ballistic missile barrage sa Israel. Nakapagtala na ang magkalabang bansa ng mga pinsala at casualty dahil sa nagpapatuloy na palitan ng pag-atake.