ILOILO CITY – Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na ilalabas sa senate hearing ang mga ebidensya na nagtuturo na kapatid ng actress na si Angel Locsin na si Ella Colmenares na kasapi ng rebeldeng grupo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Parlade na miyembro rin ng National Task Force to End Local Communist Armed Insurgency, pinanindigan nito ang kanyang naunang mga pahayag na isang rebelde si Colmenares.

Pinatutsadahan rin ni Parlade si Angel at sinabi na hindi porket artista ito, dapat na siyang paniwalaan ng publiko.

Itinuro naman ni Parlade si dating Bayan Muna party-list representative Neri Colmenares na siyang nag-udyok sa pamangkin nito na si Ella na umanib sa komunistang grupo.

Ayon kay Parlade, estudyante pa lang si Ella o may palayaw na ‘Ka Tina’, umanib na siya sa League of Filipino students (LFS) na isang progresibong grupo na tumataguyod sa students’s right.

Sinabi ni Parlade na ang LFS kung saan kasapi si Ella ay front organization ng Communist Party of the Philippines and the New People’s Army (CPP-NPA) na nag-ooperate sa Polilio Island sa Southern Luzon.

Napag-alaman na maging si Angel na isang women’s rights advocate, ay minomonitor na rin ni Parlade.

Ibibunyag rin ni Parlade na may 134 na mga rebelde base sa listahan ni CPP Founding Chairman Jose Maria Sison.