Nangangamba si House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na mahinto ang roll out ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas kasunod nang pagtanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng indemnity sa adverse effects naturang bakuna.
Lumalabas ngayon na tila mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang siyang sumasabotahe sa vaccination program mismo ng pamahalaan dahil sa naging pahayag nito na hindi sasagutin ang mga bakunang binili ng mga private sector.
Ayon kay Zarate, mismong ang Duterte administration ang siyang naggiit sa pagkakaroon ng tripartite agreement, kung saan ang mga private companies at local government units ay papayagan na makabili ng bakuna mula sa manufacturers basta dumaan muna ito sa national government.
Pero lumalabas naman ngayon na ayaw na mismo ni Duterte na magkaroon ng pananagutan sakaling magkaroon man ng adverse effects sa mga bakunang binili ng private sector.
“This arrangement is in fact unique in the Philippines because manufacturers would not close the vaccine deal with LGUs or private parties without some central entity being responsible for indemnification,” giit ni Zarate.
Ngayong ginagamit ang mga bakuna sa bisa ng emergency use authorization status, ayaw mag-assume ng manufacturers sa indemnification sakali mang magkaroon nga ng adverse effects.
Katulad ng sa ibang mga bansa, ideal talga na magkaroon sana ng isang entity lang, gaya ng national government, na siyang magkakaroon ng central responsibility sa vaccine procurement at roll out nito.
Subalit sa ngayon, maiitindihan na nagkukumahog din talaga ang private sector at ang mga LGUs na bumili ng bakuna na sila na mismo dahil pakupad-kupad lang naman ang national government sa kabila ng mga “paasa” na mga pahayag ng mga opisyal noong nakaraang taon.