Reading Time: 2 minutes

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Estados Unidos na ito ang magdeklara ng giyera laban sa China kaugnay sa isyu ng South China Sea.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati kagabi sa inagurasyon ng Chen Yi Agventures Rice Processing Complex sa Alangalang, Leyte.

Sinabi ni Pangulong Duterte, dapat dalhin ng US ang kanilang mga eroplano, barko at armas sa South China at “fire the first shot” o unang magpaputok laban sa China.

Ayon kay Pangulong Duterte, matapos nito, sunod daw na magpaputok ang Pilipinas at manatili sa likod ng US bilang bahagi ng US-Philippine Mutual Defense Treaty.

“Ngayon sabi ko, dalhin mo ‘yang lahat ng eroplano mo, barko mo dito sa China, fire the first shot at nandito kami sa likod. Sige, laban tayo kung sinong mapulpog. Totoo. America. U — sabi nila US-RP pact. Okay. Let America declare the war. Let them assemble all their armaments there in South China Sea. Fire the first shot and I’ll be glad to do the next. May RP-US pact man kaha tayo eh di let us honor it. Do you want trouble? Okay, let’s do it,” ani Pangulong Duterte.

Inihayag ni Pangulong Duterte na mistulang ginagawang pain ng US ang Pilipinas laban sa China gayung ito ang “superpower” o kakayahang magpakita ng pwersa sa South China Sea.

Pero hindi raw papauto si Pangulong Duterte sa US para awayin o giyerahin ang China kaugnay sa South China Sea dahil tiyak na mamamatay ang mga sundalong Pilipino na walang kalaban-laban.

“Eh may panahon man talaga na mamatay ‘yung tao. But then what will happen to the America? And what will happen to the Philippines and Asia? I really do not know. That’s geopolitics eh. Laro ng ano dito. Pero hindi ako g***. Mabuti’t at alam ninyo na hanggang… Eh wala eh, mahirap tayo eh. Siguro kung ako ang na-presidente at nabigyan ako ng 20 years, ah itong Pilipinas kada barangay may limang cruise missiles pati kanyon. Totoo,” dagdag ni Pangulong Duterte.