Labis na ikinalungkot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nangyaring umano’y “misencounter” sa Jolo, Sulu sa pagitan ng pulis at sundalo kung saan apat sa mga sundalo ang nasawi.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, iniutos ni Pangulong Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang isinasagawa nilang imbestigasyon.

Ayon kay Sec. Roque, ipinaalam na rin ni Pangulong Duterte kay Interior Sec. Eduardo Año na nais niyang makausap ng personal ang siyam na pulis na umano’y nagpaputok sa apat na Army personnel kasama ang dalawang opisyal.

Maliban dito nais din ni Pangulong Duterte na bisitahin ang kanyang mga sundalo sa Sulu na ngayon ay mababa ang morale.

Umaasa din umano si Pangulong Duterte na ito na ang huling “misencounter” sa pagitan ng government forces sa ilalim ng kanyang administrasyon.