Moscow russia ofw
President Duterte with Filipino performers in Moscow, Russia (file photo by Alfred Frias/Presidential Photo)

Nakatanggap ng pamasko galing kay Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Foreign Affairs (DFA) ang ilang problemadong overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi Arabia.

Ipinaabot ang mga ito kay Chief of Presidential Protocol Robert Borje, Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola at Ambassador Adnan Alonto.

Nabigyan ng care package at special financial assistance ang mga Filipino wards sa Al Khobar shelter na naghihintay na lang ng repatriation o pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.

Isang special video message rin ang ipinanood sa kanila kung saan inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang Christmas message at ang pagkilala at pasasalamat sa kanilang sipag, katapatan at suporta sa gobyerno.

Ayon kay Pangulong Duterte, ninanais niyang mapauwi sila ng bansa at magkaroon ng masaganang buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Tiniyak rin ni Usec. Borje na patuloy na ginagawan ng paraan ng gobyerno na matugunan ang kanilang mga pangangailangan at makapagdagdag ng trabaho sa Pilipinas para makauwi na sila.

Maliban sa Saudi Arabia, pinuntahan rin ni Usec. Borje na siyang Presidential Special Envoy to Tunisia, Saudi Arabia at Bahrain ang North Africa at Middle East para tingnan rin ang sitwasyon ng mga Pilipino doon.