Pormal ng inianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim ng buong Luzon sa enhanced community quarantine simula ngayong araw hanggang Abril 2.
Sa kanyang public address ngayong gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na kasunod na rin ito pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa, gayundin sa buong mundo.
“Upon study of worldwide trends, I have come to the conclusion that stricter measures are necessary. I’m placing the entire mainland Luzon under quarantine until April 12, 2020, coinciding with the entire end of the Holy Week,” ani Pangulong Duterte.
Ayon kay Pangulong Duterte, pinapakilos nito ang mga mayor, barangay captains at mga iba pang lokal na mga opisyal para ipatupad ang mga batas alinsunod sa deklarasyon ng National Public Health Emergency para sa pagkontrol sa pagkalat ng corona virus.
Inihayag ni Pangulong Duterte na dapat gawin ng mga local officials ang kanilang mandato para mapagaan ang buhay at sitwasyon ng mga apektado ng quarantine.
Hinikayat din nito ang mga negosyante na makipagtulungan sa gobyerno at sila na kusang tutulong sa kanilang mga empleyadong maapektuhan ng quarantine at hindi makakapasok sa kanilang mga trabaho.
Inianunsyo ni Pangulong Duterte na lahat ng mga trabaho ay dapat gawin ng “work from home” para malimitahan ang pagsasalamuha ng mga tao.
Dapat daw manatili ang lahat sa kani-kanilang mga bahay at lalabas lang kung may mahalagang kailangang bilihin gaya ng pagkain at gamot.
“It will be an enhanced quarantine during which the movement of everyone will be significantly limited. Work in public and private sector will be limited to work from home arrangement,” dagdag ni Pangulong Duterte.
Pinahupa naman ni Pangulong Duterte ang pangamba ng publiko sa sitwasyon at igin iit na hindi ito Martial Law.
Sinamantala rin ni Pangulong Duterte ang pagkakataon para balikan ang mga kritikong bumabatikos sa kanyang paggamit ng pulis at militar sa pagpapatupad ng community quarantine sa Metro Manila lalo sa mga checkpoints.
Inihayag ni Pangulong Duterte na huwag na lang makipag-away o makipagmatigasan sa mga pulis o militar na sisita sa kanila at dapat sumunod na lang dahil galing sa kanya ang utos.
Ito naman daw ay para sa kanilang kaligtasan at kapakanan mula sa virus kaya mabuting makipagtulungan na lang.
Tiniyak din ni Pangulong Duterte na araw-araw silang magsasagawa ng assessment para dito ibabase ang mga gagawing adjustment ng mga ipatutupad na preventive measures.
Konting tiis lamang daw para hindi na tataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas dahil kung wala ng makapitan ang virus, hindi na ito kakalat pa.