Reading Time: 1 minute

Umalma si Health Sec. Francisco Duque III matapos kwestyunin ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y conflict of interest nito matapos magpasok ng mga kontrata ang gobyerno sa kompanyang pag-aari ng kalihim habang nakaupo umano siya sa pwesto.

Sa panayam ng Bombo Radyo iginiit ng kalihim na bago pa siya ma-appoint noon bilang secretary ng DOH sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay na-divest na niya ang kanyang shares mula sa Doctors Pharmaceuticals Inc. (DPI).

Bukod dito, hindi rin daw siya ang nakaupong kalihim nang tumanggap ng kontrata sa gobyerno ang DPI.

“Number one fact, nag-divest ako nung 2006. Tuloy-tuloy yan na divestment ko, hindi ko naman yan ni-reacquire. Ang mga dokumento ko kumpleto patungkol diyan.”

“Pangalawa, yung mga konkratang binanggit ay hindi naman ako ang kalihim (ng DOH) nung mga panahong ‘yon. Ang tinitingnan ko na lang ngayon, pinapa-validate ko pa yung sinasabing may kontrata daw na inabutan na ako bilang kalihim nitong 2017.”

Taong 2017 nang tumanggap ang DPI ng dalawang government contracts. Ang isa ay nagtapos noong November 2017, habang ang isang kontrata ay nagtapos noong December 2017.

Oktubre ng parehong taon nang ma-appoint si Duque bilang kalihim ng DOH sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon sa kalihim, incorporators na lang ang kanyang mga kapatid at hipag sa nasabing kompanya ngayon.

Nakiusap na rin daw ito na huwag munang tumanggap ng mga kontrata sa gobyerno ang DPI dahil sa conflict of interest.