-- Advertisements --

Isinisi ni Sec. Francisco Duque III sa kanyang mga kasamahan sa Department of Health (DOH) ang mabagal na release sa financial assistance para sa mga health workers na tinamaan at namatay dahil sa COVID-19.

Pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang meeting kasama ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang delay sa distribution ng naturang tulong pinansyal.

Sa ilalim kasi ng Bayanihan to Heal as One Act, makakatanggap ng P1-milyong financial assistance ang pamilya ng mga namatay na COVID-19 health frontliners.

Samantalang P100,000 naman para sa health frontliners na tinamaan ng sakit at umabot sa severe o critical ang estado.

Ayon kay Duque, maging siya ay masama ang loob sa nangyari. Kaya naman inatasan na raw niya ang mga nangagasiwa na huwag uuwi hangga’t hindi nakakarating sa mga benepisyaryo ang tulong pinansyal.

-- Advertisement --

“Nakakahiya talaga, sir eh. Namatayan na nga tapos nagpa-wardy wardy yung mga tao ko na parang walang sense of urgency. ‘Yun talaga ang sama-sama ng loob ko, Mr. President,” paliwanag ng kalihim.

“I’m sorry to drag you into this,” ani Duterte.

Inamin ng Health secretary noong June 2 pa lumabas ang kopya ng Joint Administrative Order nila ng DBM at DOLE. Batay naman sa kopya ng nasabing order, nitong Huwebes, June 4 lumagda silang tatlo nina Sec. Duque, Sec. Wendel Avisado at Sec. Silvestre Bello.

Kamakailan nang batikusin ng ilang senador ang DOH dahil sa kawalan ng implementing rules and regulation kaya naantala rin ang pamamahagi ng financial asssistance.

Pero sa virtual presser ng Health department nitong Huwebes, sinabi ni Usec. Maria Rosario Vergeire na pino-proseso na ang pamimigay ng benepisyo. Ayon sa DOH, na-contact na nila ang pamilya ng 32 health workers na namatay dahil sa COVID-19.

Sa ilalim nitong Joint Admin Order may primary at secondary beneficiary na pwedeng tumanggap ng financial assistance.

Itinuturing na primary beneficiary ang legal na asawa at anak ng namatay na COVID-19 health frontliner. Secondary beneficiary naman ang dependent parents o magulang ng health care frontliner na binawian din ng buhay dahil sa naturang sakit.

Ang P1-milyon at P100,000 kompensasyon ay maaaring i-grant sa mga health workers, regular man, contractual o nasa casual position na galing sa pribado o pampublikong ospital, na nagbigay ng serbisyo para sa mga pasyente ng COVID-19.

Kahit mga nasa contract of service o job order, mga naging volunteer at na-assign sa health facilities na may COVID-19 patients o hindi kaya’y swabbing at testing facility.

Pati na mga medical at allied medical personnel sa ilalim ng AFP at iba pang government agencies na nagbibigay ng medical services para sa COVID-19 response.

May requirements na kailangang ipasa ang mga benepisyaryo na ipo-proseso ng DOH central office at regional offices.

Trabaho ng DOH na maibigay ang claims sa loob ng 30 araw mula sa pagkakatanggap nila ng kumpletong requirements.

Ang DBM naman ay naatasang mag-request at mag-issue ng fund release documents para sa implementasyon ng mga probisyon.

Habang ang DOLE ay dapat na maglabas ng hiwalay na guidelines para sa verification ng kwalipikasyon ng mga pribadong health workers.