LEGAZPI CITY- Patuloy ngayon ang isinasagawang paglilinis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa listahan ng mga evacuees na apektado ng patuloy na abnormalidad ng Bulkang Mayon.
Paliwanag ni DSWD Bicol Disaster Response Management Division Chief Marites Quismorio sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ay nagkakaroon pa rin ng double entry habang ang ibang pamilya naman ay nasa hiwalay na listahan.
Nabatid na maging ang mga nabigyan ng housing unit mula sa pamahalaan ay inilagay rin sa ibang kategorya.
Sa pinakahuling tala ay umabot na sa 5, 839 na pamilya o 20, 209 ang kabuuang bilang ng mga inilikas na residente sa lalawigan.
Samantala, ng matanong ang opisyal sa mga lumikas mula sa 7-8 km extended danger zone, sinabi nito na hindi naman pwedeng tanggihan ang naturang mga residente sa pagtungo sa mga evacuation centers dahil sila umano ang mas nakaka alam ng banta ng aktibidad ng Bulkan.
Siniguro naman ni Quismorio na makakatanggap rin ang mga ito ng ayuda mula sa naturang ahensya kahit pa ang mga residente lamang mula sa 6 kilometer permanent danger zone ang pinapayuhan na lumikas.