CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang drug suspect nang manlaban sa pulisya sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang nasawi na si Jerome Baud Salasal, residente ng Brgy Poblacion, Datu Paglas, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Sultan Kudarat Police Provincial Office na nagsasagawa ng drug buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng SKPIB PDEU at President Quirino MPS intelligence unit sa bahagi ng Barangay Pedtubo, President Quirino, Sultan Kudarat.

Ngunit natunugan daw ng suspek na pulis ang kanyang ka-transaksyon kaya agad itong bumunot ng baril at inunahan umano ang mga otoridad.

Nagtamo nang maraming tama ng bala si Salasal sa kanyang katawan at agad itong binawian ng buhay.

Narekober sa suspek ang isang baril at shabu na nagkakahalaga ng P100,000.00.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Sultan Kudarat PNP ang operasyon laban sa pinagbabawal na droga sa probinsya.