CEBU CITY – Huli ang isang habal-habal driver matapos itong makuhanan ng halos P7-million na halaga ng iligal na droga kagabi sa isang buybust operation sa Brgy. Mambaling sa lungsod ng Cebu.

Kinilala ang high value target na si Lyndon Arante, alyas Dondix, 25, nakatira sa Brgy. Bulacao ng nasabing syudad.

Ayon sa hepe ng Mambaling PNP na si Police Captain Francis Renz Talosig, naging drug courier umano ang driver at nakatanggap ito ng P500 na suhol.

Nasamsam naman ng otoridad ang higit sa isang kilo ng shabu at may katumbas na halagang P6.8-million.

Nakakulong ngayon ang habal-habal driver sa lock-up cell ng Mambaling PNP at nahaharap ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.