Dismiyado si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mabagal na takbo ng flood control project sa loob ng University of the Philippines–Philippine General Hospital (UP-PGH) sa Ermita, Maynila.
Sa Facebook post ng DPWH noong Miyerkules, Hunyo 17, lumabas na nasa 16% pa lamang ang natatapos sa proyekto kahit Disyembre 2024 pa ito sinimulan.
“Ospital pinag-uusapan natin dito, a. Napakaimportante nitong PGH. Nakita n’yo naman gaano kadaming tao nagpupunta dito araw-araw,” pahayag ni Dizon.
Dagdag pa niya, mahalaga ang agarang pagkumpleto ng proyekto lalo’t papalapit na naman ang tag-ulan.
“Magtatag-ulan na naman. Ito na naman. Babahain na naman dito. Sabi nga ni Pangulo, our people deserve better than this,” saad pa ng DPWH chief
Natuklasan din na ang joint venture contractor ng proyekto ay may kaugnayan umano sa kapatid ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
“Kaya naman pala, e. Basta kung hindi mag-deliver ‘to ng June, kanselahin mo ‘to,” pagalit na tugon ni Dizon.
Bukod sa flood control project, ininspeksyon din ni Dizon ang iba pang nakabinbing konstruksyon sa loob ng PGH upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente at mga manggagawa.
















