Sang-ayon ang Department of Science and Technology (DOST) na dapat munang suriin ang pagiging epektibo ng Russian-developed COVID-19 vaccine bago gamitin sa publiko.

Sa isang panayam sinabi ni Dr. Jaime Montoya, ang head ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development, dalawang aspeto ang kailangang tutukan sakaling matuloy ang clinical trials ng Sputnik V sa bansa.

Una ay ang pagiging ligtas nito, at pangalawa ay ang pagiging epektibo sa tao. Dapat din daw mapatunayang mabibigyan nito ng proteksyon sa sakit ang babakunahan.

Sa ngayon limitado pa rin daw ang impormasyon na kanilang alam ukol sa Sputnik V.

Batay sa huling datos ng World Health Organization (WHO) nasa phase 1 pa lang ng trials ang Sputnik V at hindi kasali sa top 5 candidate vaccines mula China, Amerika at UK na nasa phase 3 na ng trials.

Pero ayon sa DOST, aprubado na ng Ministry of Heath ng Russia ang bakuna, at kailangan na lang maglabas ng magandang resulta ang huling bahagi ng clinical trials nila.

Paliwanag ni Dr. Montoya, maituturing nang safety measure ang phase 3 na estado ng bakuna dahil dito malalaman kung ligtas ba talaga ito at epektibo kapag ginamit na sa mas maraming tao.

Sa panig naman ng Department of Health sinabi ni Sec. Francisco Duque na hindi muna nila irerekomenda ang paggamit ng naturang bakuna. Mahalaga raw kasi na may komprehensibong impormasyon dito bago gamitin.