LEGAZPI CITY- Nasayang ang sako-sakong mga bigas at iba pang mga relief goods na ipamimigay sana sa mga residente ng Barangay Sagurong, San Miguel Island sa lungsod ng Tabaco matapos na lumubog ang bangkang pinagsakyan nito sa karagatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Saeed Amhed Tanggo ng Barangay Rawis, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa mga sakay ng bangka na sina Romeo Bien Barra at Sammy Bien Barra na humihingi ng tulong na marescue matapos na mabutas ang sasakyan ng makabangga sa malaking kahoy na inaanod sa dagat.

Agad naman na nagpadala ang kapitan ng apat na bangka na nagrescue sa dalawa at nagtangkang sumalba sa mga relief goods.

Subalit huli na dahil nabasa at lumubog na sa dagat ang nasa 30 sako ng bigas, mga asukal, bihon at iba pang mga ayuda na ipamimigay sana sa mga residente.

Ayon kay Kapitan Saeed, tanging ang mga nakabalot sa sachet na kape, gatas, instant noodles at mga de lata na lamang ang narekober at nadala sa baybayin.

Nabatid na mula ang mga nasabing relief goods sa Manila na donasyon ni Senador Kiko Pangilinan at ipapadala sa mga barangay na labis na naapektohan ng nag-daang bagyo sa Albay.

Samantala, nangako naman ngayon si Senador Pangilinan na muling magpapadala ng 30 sako ng bigas sa mga residente.