Umaapela sa Kongreso ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan sila ng P15.3 billion budget para gamitin sa pagtulong sa mga displaced overseas Filipino workers (OFWs) hanggang sa susunod na taon.

Sa virtual hearing ng House committee on overseas workers affairs, sinabi ni DOLE Dir. Alice Visperas na mahigit 1 million OFWs kasi ang nakikita nilang mawawalan ng trabaho hanggang sa katapusan ng 2021.

Sa P15.3 billion proposed budget, P201.6 million dito ay inilalaan ng DOLE para sa welfare assistance and repatriation ng mga displaced OFWs.

Sa ngayon, sinabi ni Visperas na kinukulang na ang alokasyon na ibinigay sa kanila para sa mga programang nakalaan sa mga OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Partikular na tinukoy nito ang AKAP Cash Assistance, kung saan nagbibigay ang DOLE ng USD200 o P10,000 sa mga displaced Land-based at Sea-based Filipino workers.

Sa 450,000 applicants sa nasabing programa, sinabi ni Visperas na 250,000 lamang dito ang napahatiran ng cash subsidy na may pondong P2.5 billion.