Sisikapin umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makapag-balangkas ng bagong bersyon ng Security of Tenure Bill matapos i-veto ni Pangulong Duterte kamakailan ang bersyon na napagkasunduan ng nakaraang Kongreso.

Ito ang pangako ni Labor Sec. Silvestre Bello III matapos maghain muli ng panibagong panukalang batas ang ilang senador kaugnay ng hindi pinirmahang bersyon ng panukala.

Inaasahang maipe-presenta ng DOLE ang draft ng mga probisyon sa pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Lunes.

“I understand there is a LEDAC meeting. We hope to have a new version or formulation before Monday so it can be presented,” ani Bello.

“Pag-aaralan namin ‘yun. In the meantime, pag-aaralan rin namin ng DOLE and find out what we can assimilate. Maraming version ‘yan. Meron ring version si Senator Bong Go,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, dinepensahan ng kalihim ang pag-veto ng pangulo.

Ayon kay Bello, posibleng nagkaroon ng kalituhan ang publiko sa pag-intindi sa desisyon ni Duterte.

Aminado ang kalihim na magandang bersyon ang pinili ng pangulo noon na pipirmahan bilang batas dahil patas daw nito sa kapwa mga empleyado at employer.

Sa ilalim ng hindi pinirmahang Security of Tenure Bill, ginawang simple ang pagkilala sa uri ng mga manggagawa bilang regular, probational, seasonal at project worker.