Hinikayat ni Sen. Bong Go ang Department of Labor and Employment (DOLE) para makipagtulungan sa Department of Trade Industry (DTI) at iba pang concerned agencies sa pagbuo ng estratehiya at ilatag ang mahahalagang measures para maibsan ang matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa kabuhayan at employment ng maraming Pilipino.

“Umaapela tayo sa DOLE at ang DTI at iba pang mga ahensya na magtulungan para gumawa ng mga paraan kung paano matutulungan ang milyun-milyong Pilipinong mawawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito,” ani Sen.

Sinabi ni Sen. Go, sa ngayon pa lang, marami nang negosyo ang nagsara at dahil dito, marami na ring Pilipino ang nawalan ng trabaho.

Ayon kay Sen. Go, gaya ng inamin ni Labor Sec. Silvestre Bello III, ang tumaas na unemployment rate o bilang ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho ay magpapahina pa lao sa ekonomiya ng bansa kung walang mailatag na estratehiya at mekanismo sa ngayon pa lamang.

Inihayag ni Sen. Go na sa ilalim ng “Balik Probinsya, Balik Pag-asa (BP2) program” na inaasahang magiging “full swing” pagkatapos ng pandemic, ang DOLE at DTI ay dapat nakatukoy na ng mga programa na maaaring magamit para maibsan ang pagkawala ng trabaho at mabigyan ng alternatibong pangkabuhayan ang mga apektadong Pilipino.

“Marami pong mga kababayan natin na nagtatrabaho dito sa Kamaynilaan para lang may maipadalang pera sa kanilang pamilya sa probinsya ang nadala na at gusto nang umuwi dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.”