Nasa higit kalahati na ng 400,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang napalipad pabalik ng Pilipinas dahil sa pandemic na COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III nang humarap sa pagdinig ng Senado sa kanilang panukalang budget sa 2021.

Ayon kay Bello, as of October 1, nasa 229,000 OFWs na ang na-repatriate mula nang pumutok ang COVID-19 outbreak sa buong mundo.

“Of the 400,000 OFWs needing repatriation, we were able to repatriate at least 229,000 as of 1 a.m. today. Meron pang naiwan, and this will continue to increase because of the effects of COVID-19.”

Mula sa nabanggit na total, magkakahalo na raw ang mga documented at undocumented Pinoy workers. Tinutulungan na raw kasi ng ahensya ang mga lumalapit na Pilipino na nais umuwi ng bansa.

Tinatayang 1,000 hanggang 3,000 OFWs raw ang bumi-biyahe pauwi kada araw.

Sa ilalim ng National Expenditure Program, P27.5-billion ang budget ng DOLE sa susunod na taon. Nakapaloob rito ang P7.39-billion na alokasyon para sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).