Ipinagtanggol ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa international community ang kampanya ng Pilipinas laban sa iligal na droga.
Sa naging pulong na dinaluhan ni Communication Sec. Martin Andanar kasama ang ilang taga-Philippine Embassy sa Brussels, Belgium, ibinida nito ang dokumentaryong “Gramo” na nagkukuwento ng umano’y realidad ng drug war sa bansa.
Sinabi ng PCOO na layunin ng pagpapakita ng nasabing dokumentaryo na labanan ang ano mang maling pananaw ng international community sa war on drugs ng Duterte administration at maipaliwanag ang dahilan kung bakit kailangan gawin ito ng gobyerno.
Sa mensahe ni Sec. Andanar, inihayag niyang mahalagang mapanood ng international community ang dokumentaryo dahil ang problema ang droga ay hindi lang limitado sa Pilipinas, kundi apektado at kaugnay din sa mga aktibidad sa ibang mga bansa.
Idinagdag pa nito na ang pagtugon sa problema ng droga ay isang responsibilidad na inaako ng gobyerno katuwang ng ibang mga bansa.
Ipinagmalaki naman ng PCOO sa pangunguna ni Philippine Ambassador to Belgium, Luxembourg at European Union na si Eduardo Jose de Vega, na tinanggap naman at nagpahayag umano ng suporta ang Belgium community sa dokumentaryo.