-- Advertisements --

Mistulang minaliit lamang ni Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra ang pagbuhos ng mga petisyon sa Supreme Court (SC) para kuwestiyunin ang ligalidad ng Anti Terror Law.

Sinabi ni Guevarra na ang ireresolba naman ng Korte Suprema sa isyu ay ang merito at bigat ng argumento ng mga partidong naghain ng petisyon at hindi raw gagawing basehan ng kataas-taasang hukuman ang dami at propesyon ng mga naghain ng petisyon.

Sa ngayon nasa 19 na ang naghain ng petisyon na kinabibibilangan ng iba’t ibang grupo gaya ng grupo ng mga abogado, legal luminaries, lider ng mga simbahan, grupo ng mga kabataan, grupo ng mga kababaihan at iba pa.

Pero una na ring ipinag-utos ng SC na i-consolidate o pagsama-samahin ang unang anim na petisyon dahil pare-pareho lang naman ang nais ng mga grupong mangyari sa kanilang hirit sa SC.

Sa ngayon, wala pang aksiyon ang SC sa iba pang mga petisyon sa kaso kung ito ay iko-consolidate na rin.

Ang pahayag ni Guevarra ay kasunod na rin ng pagpupulong ng team ng DoJ para talakayin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terrorism Act of 2020.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, magkakaroon ng brainstorming at aalamin ang mga probisyon sa batas na kailangan ng IRR.

Sinabi rin ni Guevarra na kokonsultahin nila ang legal team ng Office of the President, maging ang secretariat ng Anti-Terrorism Council (ATC).

Naging epektibo aniya ang batas hatinggabi noong July 18 o 15 araw matapos mailathala ang batas sa Official Gazette website noong July 3.