Tuloy-tuloy ang beripikasyon ng Bureau of Immigration (BI) sa tunay na pagkatao o pagkakakilanlan ng Korean national na pinaniniwalaang drug lord at iniuugnay sa mga “ninja” cops partikular ang mga nagsagawa ng drug raid sa Pampanga noong 2013.

Ayon kay DoJ Usec. Markk Perete, ang Korean national ay kinilalang si Kim Yu Seok.

Aniya, base sa data base ng BI, dumating ito sa bansa noong September 30 at mula noon ay wala pa itong record na nakaalis na o bumiyahe palabas ng Pilipinas.

Una rito, bagamat wala pang kumpirmasyon, may hinala ang DoJ na ang dumating sa bansa na si Kim Yu Seok at ang drug lord na si Johnson Lee na target ng police drug raid sa Pampanga ay posible umanong iisa lamang.

Maalalabg sa pagdinig ng Senado sa isyu ng good conduct time allowance (GCTA) Law, naungkat o nadiskubre ang umano’y anomalya sa drug raid ng mga ninja cops.

Sinasabing nakarekober noon ang mga pulis Pampanga ng 200 kilos ng shabu pero 38 kilos lang ang isinuko o idineklara sa isinagawang imbentaryo.