Kinalap ni United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of expression and opinion Irene Khan ang mga hinaing hinggil sa red-tagging, media killings at impunity sa isinagawang closed-door meeting kasama ang ilang opisyal ng Department of Justice.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na nagtanong si Khan hinggil sa paninindigan ng pamahalaan sa red-tagging.
Paglilinaw ng DOJ, ang red tagging ay hindi bahagi ng patakaran ng gobyerno.
Sinabi naman ni DOJ Undersecretary Jesse Andres na binanggit nila kay Khan na hahabulin ng gobyerno ang mga state and non-state actors na gumagamit ng red-tagging.
Nananawagan rin aniya sila sa mga nagrereklamo na ilabas ang kanilang mga ebidensya sa Department of Justice upang maituloy ng ahensya ang mga kaukulang kaso sa mga sangkot sa red-tagging.
Ang DOJ ay miyembro ng anti-communist task force ng gobyerno na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang ilang mga dating miyembro ng NTF-ELCAC ay kilalang-kilala na ang mga aktibista, mamamahayag at kritiko sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung maaalala, ang NTF-ELCAC ay unang na-flag ng UN rapporteur na si Ian Fry sa pagtataguyod at pagprotekta ng mga karapatang pantao sa konteksto ng climate change.
Nanawagan si Fry na buwagin na ang anti-communist task force dahil umano’y kumikilos ito nang may impunity o walang parusa.