-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na hindi kukunsintihin ng gobyerno ng PH ang paggamit ng cyanide ng mga mangingisda sa West PH Sea.

Sa isang statement, sinabi ni Justice Sec. Crispin Remulla na sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi nila kukunsintihin ang anumang aksiyon na nakakasira sa kalikasan o nagbabawal sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino.

Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag bilang tugon sa mga ulat na gumagamit umano ang mga mangingisdang Chinese at Vietnamese ng cyanide sa pangingisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough shoal sa West PH Sea.

Saad pa ng DOJ chief na aktibong susuportahan ng kanilang ahensiya ang iba pang ahensiya ng gobyerno sa pagkalap ng mga ebidensiya at matibay na legal case laban sa mga nasa likod ng mapaminsalang gawain.

Bago pa nga pumutok ang ulat kaugnay sa paggamit ng ilang banyagang mangingisda ng cyanide sa ahura, inalala ni Sec. Remulla na aktibong katuwang ang DOJ sa nagppatuloy na pag-aaral ng posibleng legal action ng bansa laban sa China kaugnay sa kumpulan ng mga barko ng Chinese Coast Guard malapit sa Rozul Reef at Escoda shoal na nagresulta sa malawakang pagkasira ng corals reefs sa lugar.

Binigyng diin pa ng kalihim na nagsagawa na ang DOJ ng pag-aaral nito kaugnay sa legal remedies sa pamamagitan ng pangangalap ng ebidensiya at pakikipagtulungan sa mga marine scientists ng ating bansa para matukoy ang lawak ng pinsalang idinulot ng iligal na aktibidad sa naturang mga bahura.