Pag-aaralan pa raw ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang rekomendasyon ng mga opisyal ng Pilipinas sa Taiwan na alisin ang travel ban sa naturang bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III, parte lang ng kanilang trabaho na panatilihing ligtas at malayo sa banta ng novel coronavirus (COVID-19) ang mga Pilipino kaya naging sakop ang Taiwan sa travel ban na ipinatupad ng pamahalaan sa China, Hong Kong at Macau.

Una ng nag-protesta ang Taipei sa pagkakabilang nila sa travel ban dahil independent state umano ito mula sa China at mga special administrative regions.

Sinabi ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) chairman Angelito Banayo na sa ipinatawag na special cabinet meeting ni Taiwanese president Tsai Ing-Wen nitong Linggo ay minasama ng mga opisyal ang travel ban.

Hindi na lang daw ito basta usapin na lang ng kaligtasan at kalusugan, dahil tila pinulitika umano sila ng pamahalaan.

Batay sa hawak na datos ng MECO sa Taipei, may 160,000 na Pilipino ang nasa Taiwan.

Samantala, iginiit naman ni Sec. Duque na walang local transmission ng COVID-19 sa Pilipinas.

Bagamat aminado ang kalihim na posibleng magkahawaan ng sakit sa loob ng bansa, ay tiniyak naman nito na nakahanda ang task force laban dito.

Muli ring ipinunto ng Health secretary ang advisory ng World Health Organization na nagsabing wala pang scientific basis ang makapagsasabing airborne virus ang COVID-19.

At sa kakapasok lang na balita, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs na umakyat na sa 11 ang bilang ng mga Pinoy na nakasakay sa cruise ship na Diamond Pricess ang positibo sa COVID-19.

Sa ngayon naka-quarantine na raw sa mga piling ospital sa Tokyo, Japan ang nasabing bilang ng mga Pilipino.