-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may mga tauhan na silang sumusuri sa COVID-19 testing facility ng Marikina City.

Ito’y kasunod ng pahayag ni Mayor Marcelino Teodoro na itutuloy pa rin niya ang pagbubukas ng pasilidad sa Biyernes kahit walang approval ng DOH.

Iginiit din nitong hindi nakikipagtulungan ang Health department matapos mabigo ang ahensyang siputin ang scheduled na assessment kahapon.

Ayon sa DOH, ang team ni Dr. Mark Anthony Leviste mula sa Health Facilities Standards & Regulation Bureau ay kasalukuyang nago-on site inspection.

“We have a team currently assessing the Marikina laboratory. Dr. Mark Anthony Leviste’s team is currently on-site. This is to dispel claims that DOH is not coordinating,” ayon sa DOH.

Nitong araw nang sabihin ni Mayor Teodoro na handa siyang mademanda para sa kanyang mga kababayan, dahil naniniwala itong mas malaki ang magiging kasalanan niya sa mga residente kung hindi aaksyon ang LGU sa sitwasyon.

Kung maaalala, pinagbawalan muna ng DOH na mag-operate ang testing facility na itinayo ng Marikina dahil hindi umano ito pasok sa biosafety standards.

Nitong Lunes naman naka-schedule sanang bisitahin ng DOH ang bagong pwesto ng testing facility pero bigong dumating ang mga Health personnel.