Nanindigan ang Department of Health (DoH) na may mga hakbang sila para tugunan ang pangangailangan para maharang ang posibleng pagpasok ng Wuhan corona virus sa ating bansa.

Sa question hour sa Kamara, hiniling ni Health Sec. Francisco Duque III na tulungan silang mabigyan ng sapat na impormasyon ang publiko hinggil sa nasabing sakit.

Naniniwala ang kalihim na ang sapat na kaalaman at tamang pag-iingat ang magiging depensa ng Pilipinas para hindi kumalat dito ang naturang sakit na kumitil na ng 132 katao at may halos 6,000 nagpositibo.

Bagama’t hindi raw nila hinahangad na may makumpirmang NCoV sa bansa, naghahanda pa rin sila sa worst case scenario.

Ganito raw kasi ang ginawa nila noong kumalat ang SARS, kung saan nanatiling negatibo sa ganung sakit ang ating bansa hanggang sa ito ay humupa.

Pinuri naman ng mga mambabatas ang agresibong kampanya ng DoH laban sa virus at maging sa mga kumakalat na fake news ukol sa naturang sakit.