-- Advertisements --
San Lazaro Hospital Wiki
IMAGE | San Lazaro Hospital, Manila

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na tinutugunan nila ang apela ng mga health care workers na dumaranas ng iba’t-ibang kalbaryo ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Pahayag ito ng DOH matapos mag-reklamo ang ilang nurses ng San Lazaro Hospital hinggil sa kulang daw na supply ng personal protective equipment (PPE) at ilan pang issue.

“Nakausap na namin yung pamunuan ng San Lazaro nung isang araw, kinusap na sila ni Secretary Duque at araw-araw naman ay tinatawagan natin sila para i-check kung ano yung progress nitong pag-uusap din nila with their group of nurses,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, sapat pa rin ang supply ng PPE sa ospital. Nilinaw din nito na bayad pa rin ang 14-araw na quarantine ng health care workers kada dalawang linggo.

“Bayad ang mga quarantine na ginagawa ng ating health care workers at dati pa naman nating kinlaro sa lahat na bibigyan sila ng enough time like two weeks kung kailangan mag-quarantine because of exposure and that is paid leave.”

Sa usapin naman ng mga pasyenteng naghihintay sa mga tent sa labas ng ospital, ani Vergeire, ginagawan na rin nila ito ng paraan para hindi lumala ang sitwasyon.

“Lahat naman ng ospital ngayon because sa dami ng pasyente mayrooon talaga tayong mga tents na hindi natin ikakaila at nakikita naman ‘yan.”

Nagsisilbing triage ang tents sa labas ng mga ospital para sa suspected COVID-19 cases bago i-admit sa pagamutan.

Nitong Huwebes nang pumwesto sa labas ng San Lazaro Hospital ang ilan nitong nurses para sa isang silent protest.

Kanilang apela, dagdagan ang supply ng PPEs at bayaran ang mga araw na sila ay naka-quarantine.

“All of this mga issues that are being raised by the Association of Employees of San Lazaro, ito naman ay naipagkausap na, name-meet na rin ang demands nila.”

Bukod sa San Lazaro Hospital, aminado si Vergeire na ilang health care workers din mula sa ilang ospital ang may parehong hinaing.

“Aming sinasabi sa ating mga chief (ng) hospitals, pangalagaan natin ang health care workers ‘pag may mga ganyang reklamo. Umupo nang sama-sama para hindi na lumalabas sa ospital ang mga issues na ‘yan kasi internal naman talaga ‘yan.”