Aminado ang Department of Health (DOH) na may mga hamon pa rin silang hinaharap pagdating sa recruitment ng mga participants sa clinical trial ng Avigan.
“Maraming exclusion (criteria) at isa siguro ‘yan sa nagiging challenge natin sa paggamit nito sa ating clinical trial,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Kabilang sa mga hindi ikinokonsidera ng ahensya sa recruitment ay ang estado ng pasyente. Tulad na lang ng mga may lagnat, nangangailangan ng oxygen therapy, at may iba pang sakit.
Dagdag pa ng opisyal, limitado lang sa ospital ang isasagawang clinical trials dahil mild cases ang target participants ng eksperimento.
“Sa ngayon wala na masyadong na-admit na mild cases sa mga ospital at dahil sa patuloy na pagbaba ng ating mga kaso hindi na tayo masyado nakakakita ng mga ganitong kaso sa ospital.”
May apat na pasyente nang na-recruit ang ahensya para sa clinical trials ng Avigan, na kilalang gamot laban sa flu. Ang dalawa ay mula sa Philippine General Hospital, at tig-isa mula sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Medical Center.
Napagusapan daw sa huling meeting ng Health officials ang posibilidad na pagpapalit ng stratehiya sa clinical trials ng Avigan.
Layunin nito na palawigin pa ang recruitment ng mga pasyente. Target kasi ng pag-aaral na makapag-recruit ng 100 participants.
“‘Yan ay nire-rebisa nila ngayon, kaya lang kailangan dumaan sa ethics review and all.”
“While we are awaiting for that revision in protocol we are continuing the existing protocol.”