Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang dapat ikabahala ang publiko sa gitna ng mataas na numero ng mga “fresh cases” na inirereport sa nakalipas na mga linggo.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi ibig sabihin na mataas ang bilang ng reported fresh cases ay dumarami pa ang mga nagkakasakit ng COVID-19.

Simula noong May 29, hinati na ng DOH ang klasipikasyon ng mga inirereport na bagong kaso ng sakit.

Pero nilinaw ng opisyal na para matukoy kung sino talaga ang mga fresh o pinakabagong kaso ng COVID-19, ay kailangang matunton ang petsa ng “onset of illness” o araw kung kailan nakaramdam ng sintomas ang isang nag-positibong pasyente.

“We have to be cautious in interpreting our data. Kailangan rin natin tignan iyong weakness ng ating information system ‘pag nag-interpret tayo ng data. Tumataas iyong fresh cases the past days, oo.”

“But this could be a function of reporting kasi ang basehan natin ay iyong timeline ng pag-release ng results.”

Kapansin-pansin na mula pumasok ang June 1, halos hindi na bumaba sa 200 ang fresh cases na inireport ng DOH. Pinakamataas ang ulat noong June 5 na umabot sa 350.

“Puwedeng iyong sample, five days ago na kinuha ng laboratory pero na-test lang nila three days ago. Kaya babalik tayo sa onset of illness kasi that would be the most accurate kung bago ba talaga, at ginagawa na natin ‘yan ngayon.”

Ani Vergeire, posibleng late ang ibang fresh cases dahil ang petsa kung kailan lumabas ang resulta ng mga pasyente pa rin daw ang huling pinagbabasehan ng DOH sa pagdedekara.

“Hind kumpleto yung mga nilalagay sa CIF (case investigation form) na onset of illness, nilalagyan namin ng proxy, yung swabbing date na lang. Pero minsan both wala pa rin sa case investigation form. Kaya pag ganoon we are left with the release of result. Itong tatlo ang ginagamit namin (as basis for fresh cases).”