Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga eksperto ng OCTA Research Group kaugnay ng inilabas nilang ulat ukol sa siyam na “high risk” areas sa COVID-19.
Batay kasi sa report na ng grupo na inilabas nitong Martes, nakasaad na posibleng mapuno ang health facilities ng ilang lugar sa bansa dahil sa mga maitatala pang bagong kaso ng sakit.
“Kapag tumitingin tayo ng numero sa lugar, dapat kinokonsidera natin yung health system capacity ng isang lugar. Tumataas man ang kaso nila pero kung ang kanilang healthcare utilization is manageable, we strictly monitor,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“Hindi pwedeng we’re just taking one indicator na siya lang, kailangan i-correlate natin doon sa ibang important indicators that we are also using for COVID-19.”
Kabilang sa tinukoy ng OCTA Research Group ang Metro Manila, Baguio City, Itogon at Tuba sa Benguet; Lucena City, Quezon; Iloilo City; Catarman, Northern Samar; at Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Paliwanag ng opisyal, kailangan ng pag-iingat sa pagbanggit ng mga lugar bilang high risk. Tulad sa Makati City na kaya mataas ang occupancy rate ay dahil mayroon lang tatlong lisensyadong ospital ang lungsod. Habang sa Lucena City, Quezon ay mayroon lang limang pagamutan.
Batay sa tala ng DOH, apat sa siyam na binanggit na lugar ng OCTA Research Group ang may high-risk na occupancy rate sa mga pagamutan.
“Kailangan may further analysis at tingnan how much did the city or province has allocated for COVID beds para kapag sinabi nilang high ang occupancy, it is really rationale and valid.”
Dagdag pa ni Vergeire, ginagamit din na batayan ang average daily attack rate (ADAR), at 2-week case growth rate ng isang lugar para masala ang estado nito sa COVID-19.
“Kapag sinabi natin na it’s the attack rate, ang ating ideal is less than 1 per 100,000. Yung growth rate ang ating ideal is for us to have negative 2-week growth rate, ibig sabihin for the past two weeks comparing to the current, walang naging pagtaas (ng kaso) sa mga lugar na ‘yon.”
Nakasaad sa data ng DOH na Baguio City ang may pinakamataas na ADAR sa 10.28, habang Zambonga del Sur ang pinakamababa sa 1.50. Sa growth rate naman, pinakamataas sa Benguet na nasa 231%, samantalang -7% ng Baguio ang pinakamababa.
“We need to correlate this (indicators) now with the number of new active cases being reported. Bumababa talaga ang ating new cases na naitatala sa iba’t-ibang lugar especially those areas na talagang closely monitored natin.”
“Overall the Philippines has been able to have that 25% decrease in the reported new cases for the past week.”