Nilinaw ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi sapat ang testing sa COVID-19 bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Binigyang diin ng opisyal na pinaka-epektibong paraan pa rin laban sa sakit ang paghahanda at pagsunod sa mga ipinatutupad na patakaran ng pamahalaan.
Tulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing, proper hygiene and handwashing at pananatili sa bahay kung walang mahalagang gagawin sa labas.
“Prevention is still the most effective intervention against COVID-19. Huwag po tayong maging kampante. Sa halip, patuloy po tayong maging responsable. Alagaan po natin ang ating mga sarili, ang ating mga mahal sa buhay, at ang iba pang myembro ng ating komunidad,” ani Vergeire sa virtutal presser.
Sa nakalipas na linggo, higit isang libong bagong kaso ng COVID-19 ang naitatala ng DOH. Ayon kay Vergeire, bunga ito ng clustered cases iba’t-ibang lugar.
Noong July 5, malaking bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ang galing daw sa National Capital Region, Central Visayas at Calabarzon.
“Tumaas po ang mga average number ng mga kaso dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kaso sa
mga binabantayan nating lugar, kaya naman po kailangan nating maging mas maingat at mag- exercise ng caution lalo na para sa mga lugar kung saan may clustering of cases.”
Sa kasalukuyan, inaabot ng 7.95-days bago muling dumoble ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ayon sa DOH.
Nasa 7.3-percent naman ang positivity rate o porsyento ng mga nagpo-positibo mula sa bilang ng populasyon na sumasailalim sa testing.
“A clear sign that the country is still able to manage the spread of the infection.”
Ayon kay Usec. Vergeire, umaabot na sa halos 20,000 COVID-19 tests ang napo-proseso ng mga laboratoryo araw-aaw.
Nitong Sabado pumalo na sa 54,222 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas dahil sa 1,387 na mga bagong kaso ng sakit.