Maglalabas ng subpoena ngayong araw ang Office of the Ombudsman laban sa Department of Health (DOH) at Department of Budget and Management (DBM) na may kaugnayan sa isinasagawa nilang imbestigasyon hinggil sa umano’y mga iregularidad sa COVID-19 response ng pamahalaan.

Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na nais ng kanyang opisina na makuha ang mga dokumento mula sa dalawang kagawaran na may kaugyanan sa pondong ibinigay sa kanila para sa ayudang ipapahatid sa pamilya ng mga pumanaw na medical frontliners o iyong mga nagpositibo sa COVID-19.

“Today we will be issuing subpoenas to the DBM, to DOH, particularly with respect to the special allotment request order doon sa budget na binigay ng Pangulo doon sa mga namatay na frontliners, doon sa budget na binigay para sa COVID-19,” saad ni Martirez sa isang panayam.

Nais kasi aniya nilang malaman base sa mga dokumentong kanilang hinihingi mula sa DOH at DBM kung paano nagamit at kun gaano katagal inabot ang naturang mga kagawaran sa pag-release ng tulong pinansyal sa mga apektadong medical frontliners.

Nakasaad sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na ang mga public at private health workers na mahahawa sa COVID-19 habang naka-duty ay entitled na makatanggap ng P100,000, habang ang pamilya naman ng namatay na medical frontliner ay makakatanggap ng P1 million.