Sumampa na sa 388,137 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa tala ng ahensya, 987 ang bilang ng mga bagong kaso nadagdag sa listahan. Ang pinakamababang total ng newly-reported cases mula sa 603 cases na naitala noong July 14.
Ayon sa DOH, 12 laboratoryo ang bigong makapagpasa ng report sa kanilang COVID-19 Data Repository System kahapon.
“12 labs were not able to submit their data to the COVID-19 Data Repository System (CDRS) on November 3, 2020.”
Nakaapekto rin daw ang pagsalanta ng bagyong Rolly sa ilang laboratoryo sa Bicol region, kaya asahan umano ang mababang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw.
Nag-abiso rin ang ahensya sa posible namang pagtaas ng newly-reported cases kapag nagbalik operasyon na susunod na linggo ang mga naapektuhang testing laboratories.
“The relative low report in the new cases is part of the effects of the Typhoon “Rolly”. We further caution that this decrease may still be observed over the next few days, and may be followed by a relative “increase” in newly reported cases in the coming days or week.”
Ang Davao City ang may pinakamataas na bilang ng mga may bagong kaso ng COVID-19 sa 136 cases. Sinundan ng Iloilo, Quezon City, Taguig City, at Iloilo City.
Samantala, ang bilang ng mga nagpapagaling pa ay nasa 31,679. Nadagdagan naman ng 140 ang total recoveries na umaabot na ngayon sa 349,091. Habang 49 ang additional sa total deaths na ngayon ay nasa 7,367 na.
“11 duplicates were removed from the total case count. Of these, 10 were recovered cases. Moreover, 13 cases previously tagged as recovered were reclassified as deaths.”