VERGEIRE
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Aminado ang Department of Health (DOH) na isa ang contact tracing sa mga pinakamahinang stratehiya ngayon ng bansa laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na posibleng mas maraming kaso ng sakit ang hindi pa nade-detect dahil sa mababang antas ng contact tracing.

“Among our different response and strategies that we are doing since the start of the response, isa ang contact tracing sa medyo weak,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, magkakaiba ang average o tinatayang bilang ng naco-contact trace ng bawat lokal na pamahalaan sa kada kumpirmadong kaso ng sakit.

“May mga extreme na local government na mataas ang contact tracing ratio, may iba na until now 1 is to 5 or 6.”

Mula sa contact tracing ratio na 1 is to 37 o isang contact tracer sa kada 37 close contacts ng confirmed case, pinatapyasan ito ni Magalong.

Sa ngayon, 1 is to 15 na lang ang contact tracing ratio, pero aminado si Vergeire na may ilang hirap pa rin na sundin ang bagong panuntunan.

Ayon sa Health spokesperson, hindi imposible na mayroon talagang “undetected” COVID-19 cases kahit sinusubukan ng pamahalaan na palakasin ang contact tracing.

Batay sa pagtataya ng DOH, nasa pagitan ng 2-3% ang mga asymptomatic cases.

“With the current intensive efforts that we’re doing like house-to-house, we can very well detect those with symptoms and extract them for isolation.”

“Yung mga asymptomatic, yun siguro hindi natin talaga masyadong nakikita hangga’t sa ma-intensify natin yung contact tracing efforts natin.”